Ang Ulan sa Nakaraang Pag-ibig
Kapag pula ang ilaw ng ilaw-trapiko sa tawiran o kalsada, asahan mo, hihinto ako. Hindi dahil alam kong iyon ang batas. ‘Yun ay dahil alam kong iyon ang tama. Akala ko dati, ang pulang ilaw lang ang pwedeng magsabi ng ‘hinto’, hindi pala.
Siya na siguro ang pinakamasakit na nangyari sa akin. Sabi ng iba, mali ang pag-ibig na 'yon. Mali, dahil sabi ni Lord. Paano nila nalaman? Tinext ba sila ni Lord? Kinausap ba sila ni Lord? Friends sila sa Facebook? Tinweet ba sila ni Lord? Ang alam ko lang, mas maunawain ang Panginoon kaysa sa mga taong nilalang niya. Ngunit hindi iyon ang dahilan nang paghinto. Dahil wala na akong pakialam kung matatanggap pa nga ba ng lipunan ang ganung relasyon.
Kristyano siya, aktibo sa simbahan nila, pero sabi niya, mahal niya rin ako. Ewan ko kung saan niya hinugot 'yon pero ibang saya ang naramdaman ko no’n. Wala sa aming dalawa ang nagsabi na mali ang ginagawa namin. At naisip ko, siya na – siya na ang gusto kong makasama. Masyado nga sigurong maaga para sabihin ko ‘yon pero, yun talaga ang naramdaman ko no’n, e. Kami ang magkasama palagi, kahit kasama namin ang mga kaibigan namin dahil nasa isang grupo lang kaming dalawa, parang kami lang ang magkasama. Hindi ko alam kung nahahalata ba ng iba pero kung anong meron sa aming dalawa? Kami lang ang nakakaalam. Yung bagay na medyo hindi ko rin maintindihan – kami ba o hindi kami? Wala na akong pakialam. Hindi na ‘yon mahalaga, pareho naman kaming masaya. Hanggang dumating ang pag-ulan.
Pauwi kami sa kanila noon. Huminto rin kami sa maraming pulang ilaw sa daan. Pero iba na ang pakiramdam ko nung nasa tren kami. Parang bigla akong nalungkot. Yung pakiramdam na, nasa taas ka ng, sabihin na nating, dalawampung palapag na gusali, nandon ‘yung tuwa mo, biglang bumaba ng unang palapag, nalungkot ka na? Ganon. Kaunti ang mga salita niya, kasama na ang,
Maraming bagay ang makakapagpaalala sa akin tungkol sa’yo.
Nagpaalam kami sa isa’t-isa, bukas magkikita pa rin naman kami. Pero bigla na lang bumuhos ang ulan at sumabay ang pagbuhos ng aking mga luha.
Dapat na ba akong magsisi na yung lahat ng ginawa natin ngayon ay kung paano ko gustong magpaalam sa’yo? Pero nang sinabi ko sa’yong mahal kita, totoo ‘yon. Pero hindi ako pwedeng magsinungaling sa pamilya ko nang mahabang panahon. Mahal kita, sana naramdaman mo ‘yon.
Ang sakit-sakit. Nakikipaghiwalay ba siya sa akin? Eh hindi ko nga alam kung kami! Pero kahit masakit, ang tanging nasabi ko na lang sa kanya – Okey lang. Naiintindihan ko. Okey lang. Habang umiiyak. Okey lang. Kahit masakit. Hindi pala.
Parang may pagkalaki-laking pulang ilaw sa mukha ko. Sinasabing, Tama na, mahal ka rin naman niya, di ba? Hindi ba ‘yon ang mahalaga? Kahit isang linggo lang na naging malinaw na meron palang ‘kayo’ kahit wala naman talaga. Tama na. Tigil na. Para rin naman ‘to sa kanya. Baka hindi pa lang niya kaya sa ngayon dahil sabi nga, hindi tama kung ano ang meron kayo at alam na alam mo ‘yon kahit iba ang paniniwala mo. Pero ganun ang paniniwala ng pamilya niya. Siguro, malay mo, darating yung araw na babalik siya. Na kaya na niya at magkakasama na ulit kayo. Hindi ako tumigil maghintay kahit ang sabi niya ay huwag na akong maghintay. Pero simula ng araw na iyon, mukhang pinatigil na ng ulan ang lahat ng meron sa aming dalawa. Pero yung bigat at yung lungkot, hindi tumigil. Hindi huminto.
Ang Katotohanan
Binigyan ko siya ng regalo dahil kaarawan niya. Siyam na buwan na rin ang lumipas mula nang magpaalam siya. Hindi na kami gano’n kadalas mag-usap at magkita dahil hindi na rin gano’n kadalas ang pasok namin. Sa gitna ng siyam na buwan, medyo nagkaroon ako ng pag-asang magbabago ang isip niya at babalik siya dahil may mga panahong pinaramdam niya ulit sa akin ang mga pinaparamdam niya bago umulan.
Ilang araw pagkatapos kong iabot ang regalo, tinext niya ako kung pwede ko siyang puntahan at may ibibigay daw siya. Ang lakas ng kutob ko pero walang pulang ilaw na nagpakita para huminto ako at pigilang pumunta sa kanya. Ang lakas ng pakiramdam kong ibabalik niya sa akin ang binigay ko. At hindi ako nagkamali.
Ngunit naging doble ang sakit nang mabasa ko ang sulat niya kasama ng regalo kong pinabalik niya sa kaibigan niya.
Siguro, hindi talaga kita minahal. Nagkataon lang na naghahanap ako ng atensyon na gusto kong makuha sa iba at yung atensyong binigay mo, ‘yun yung hinahanap ko. Pero hindi sa gusto ko. Kasi kung pagmamahal nga ‘yon, sana, hindi ko nalimutan. Gaya nang pag-alala mo sa lahat ng nangyari sa ating dalawa.
Putang ina! Hindi ko alam kung anong klaseng sakit ‘yung naramdaman ko. Kung nung una, dalawampung palapag lang, ngayon, higit sa isang daang palapag na ata ako galing tapos biglang bagsak! Blag! Buti pa yung butong nabali, pwedeng gumagaling. Pero yung sakit na naramdaman ko, hindi ko na alam kung may pag-asa pang gumaling. Ni hindi ko nga alam kung ilang buto yung nabali o nabasag sa katawan ko. Nangyari na ba sa’yo ‘yon? Yung akala mo mahal ka, ginamit ka lang pala? Ano ‘ko, waiting shed kung saan siya nagpatila ng ulan? O asukal na nilagay niya sa mapait niyang kape dahil mali siya ng timpla o wala lang lasa? Bakit kasi kailangang siya pa? Sa simula pa lang, alam kong imposible na dahil sa sinasabi ng iba at kasali rin siya sa ‘iba’. Siguro nauntog na siya nang tuluyan at naisip niyang mali ang namagitan sa amin o sadyang niloko lang talaga niya ako. Mula noon, tumigil ang paghihintay. Tumigil ang pagmamahal. Ngunit yung galit? Hindi huminto.
Ang Bagong Pag-ibig
Ngunit sabi nga nila, matatapos din ang lahat. Sa tamang panahon. At dumating nga ang panahon na ‘yon. Dumating din ang isang taong nagbigay sa akin ng bagong saya, ng bagong pagmamahal. Hindi ko alam kung totoo ang magpakailanman pero naniniwala ako sa habambuhay. Walang nakakaalam kung pang-habambuhay na nga ‘to pero siya ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda. Siya, na dahilan kung bakit huminto ang lungkot, tumigil ang luha, at nawala ang pighati. Pero kung mangyayari ulit ang paghihiwalay, hihinto rin ulit ang lahat.
Maraming bagay ang titigil. May mga oras na hihinto. Pero ang pagmamahal, mali man sa ilan, hindi hihinto. Hindi titigil. Hindi pe-preno. Kahit ang kasarian niyo ay pareho.
This was an assignment for our Broadcast Journalism Class back in 2014 or 2015. I can't remember really well. The topic was something that goes with, Things that stopped you from your tracks. I decided to write something that is a little creative. (Dumugo ilong ko rito, pinacheck ko pa ata ke Arrabel ito.)
Comments
What do you think, Awesome?