Mga Tanong ko Minsan ke Lord

Minsan, pwede ring madalas, napapa isip ako kung malakas ba ako kay Lord. O kaya bakit parang mas malakas yung iba sa kanya.


Dahil ba lagi silang perfect attendance kapag church day at ako, hindi naman nag sisimba? O kaya naman, baka kasi puro ako iwas sa mga nag aaya sa aking mag cell group. One time, may grupo noong college na kabilang na ako kaya lang, wala talaga, eh. Hindi ko talaga mapilit ang sarili ko, o mailagay ang sarili ko sa sitwasyon na nasa cell group ako. Na nag ba-bible study o kaya opening up, sharing. So tinext ko yung moderator na kailangan kong umalis. Nag thank you naman ako and sabi ko, na aappreciate ko ang ginagawa nila, it's just that, hindi talaga ako para ron. Inaya niya ako mag one on one pero humindi pa rin ako.

Dahil kaya yon don kaya pakiramdam ko, hindi ako ganun ka lakas kay Lord? Ibig kong sabihin, bakit parang minsan, pakiramdam ko, pareho lang naman kami ng dasal o gusto ng katabi ko, sa jeep, sa upuan, saan man, maski hindi ko kakilala o kakilala ko man, pero mas nauuna niyang nakukuha yung gusto niya o kailangan niya. Mapapaisip na lang ako ng, Lord, bakit? Halimbawa na lang ulit, sa pag aabang ng masasakyan. Feeling ko naman, pareho kami na magdarasal na makasakay na dahil nga punuan na pero siya ang makakasakay bigla sa bus o jeep kasi mas nauna siyang nakalapit. Mas malakas ba ang pagdarasal niya, Lord?

Bukod sa pag iwas ko sa cell group, sa pagsisimba, baka kaya rin ganon dahil sa inis ko sa mga homophobic at bigot kong dating mga kaibigan at kakilala. Baka kaya ayaw ako pagbigyan ni Lord kasi, salbaheng bata raw ako. Napapansin ko kasi, bakit tila iyong mga kakilala kong nagbibigay ng tithes sa simbahan, perfect attendance sa mga misa, nag se-cell group, parang mas comfortable ang buhay sa akin? Tingin ko lang naman iyon. Iyong mga taong relihiyoso pero dahil nga salbahe akong bata, nakakakita ako ng kasamaan din sa kanila. Halimbawa, bakit parang mas lavish ang isang tao eh sabi sa mga sinasabi ng iba, bawal ang pakikipagtalik sa labas ng kasal, bago ikasal? Nabawasan na ba o natanggal na ba ang mga kasalanan nila dahil sa patuloy nilang pagsisimba at pag attend ng mga fellowship? Bakit yung mga batang nakikita kong katatapos lang mag fellowship o cell group tapos biglang may exam at hindi nila alam ang mga sagot, sila-sila rin ang nag kopyahan sa exam tapos parang wala lang nangyari. As if they had nothing to repent on and it seems they still live the comfortable life? Bakit ganon? O baka naman kasi sa inis ko ito sa lahat na lang ng mga paki alamero sa buhay ng may buhay? Sa mga taong pakiramdam nila, sila lang ang tama, walang dumi sa mga mukha at katawan?

O baka naman ako lang ang nag iisip ng mga ito? Baka sinasabi ni Lord kasi na matuto dapat ako maghintay? Na baka kaya hindi pa niya binibigay kasi hindi pa tamang panahon para makuha ko ang mga bagay na pinagdarasal ko. Tapos, swerte naman daw ako o di kaya ay blessed sa ibang bagay. Gaya ng katalinuhan, ganon. Pero dahil ang yabang ko raw, i-slow down pa natin ang pag achieve ny mga bagay-bagay kagaya na lang ng pera, o kaya career, o kaya mga bagay na gusto ko.

Minsan, iniisip ko rin na baka hindi rin ako malakas ke Lord kasi may mga maling desisyon akong ginawa sa buhay ko. Na parang tinanong ko naman siya kung tama ang gagawin ko pero hindi gaya sa mga pelikula at kuwento, wala akong sign na nakita. Baka dahil kasi hindi rin naman ako nanghingi at hindi rin naman ako naniniwala ron?

Baka totoong may proper timing ang mga bagay para kay Lord. And each time na hindi (pa) niya ibibigay ang mga pinagdasal ko, baka hindi pa talaga oras para makuha ko ang mga iyon. O kaya naman, baka hindi talaga para sa akin, huwag ko na raw angkinin. Baka may iba siyang plano at hindi pala nagkakatugma ang mga plano namin. Ang weird na sinasabi ko ito kasi, alam naman ng lahat na I seldom talk about God. Even things like this that says, If it is meant for you, it will be with you, that things happen for a reason, or something to that effect. (But maybe things happen for a reason because we are stupid?) Siguro kasi nga, hindi ako naniniwala sa mga ganon o kaya, wala naman akong makitang proof to believe on those things. Kumbaga, I base things on facts and not faith or intuition? Basta, ganon. Nawawalan na naman ako ng sense mag explain.

Baka nga hindi pa tamang panahon. Baka lagi lang akong impatient. Baka hindi ko na aappreciate kung ano ang meron ako -- hindi ako nagkakasakit, nawawala na ang palagian kong sipon kasi mas malala talaga dati, mukha pa rin akong nakakaluwag-luwag maski out of budget na ako, hindi na ako nanghihingi sa nanay ko ng pera kasi baka di rin naman niya ako bigyan, malamang.

Naaalala ko noon, naka kumpleto ako ng simbang gabi. Sabi nila, kapag nakumpleto mo iyon, matutupad ang hiling mo. May hiniling ako non. Isa, hindi para sa sarili ko, ang isa naman ay para sa akin.

Mga ilang buwan, napag alaman kong natupad ang hiling ko. Ang hiling ko na hindi para sa akin. Natuwa ako. Pero naisip ko pa rin, ibig ba sabihin non, may chance na hindi na tuparin ni Lord yung isang hinihiling kong para sa akin? Ang hiling na yon noon, may isa ring involve kaya siguro hindi siguradong matutupad. Kasi dapat, may consent nung isa.

Lumipas ang ilang buwan, naging isang taon, nawala na sa isip ko na tuparin pa ni Lord yung hiling ko. Hanggang isang araw, tila ba bumalik yung siyam na madaling araw na nagdarasal ako. Tinupad ni Lord yung hiling ko. Inabot ng isang taon at ilang buwan. And it happened during the time I least expected it. Tinupad niya. Tinupad niya pero, ako ang hindi tumupad sa hiling na yon. Ako na ang kinailangang sumagot ng panahong iyon at ang sinagot ko ay, Hindi na.

It was probably a classic scene of the timings are never right but as I look at it closer, the timing was definitely just right. Binigay sa akin pagkalipas ng isang taon at ilang buwan, tinanggihan ko. At ngayon, dahil doon, alam kong masaya ako sa isang aspeto ng buhay ko.

Siguro, sabi ni Lord, sa susunod na iyong iba. Laro ulit tayo ng, Will the timing be right this time or you will fuck it up?

Comments