Image

Nang Muntik Akong Matokhang Dahil sa Pagpapahula

Sabi ni Sir Ricky, may iba't ibang paraan para makarating ng Quiapo. Pwedeng diretso, pwedeng may paliko-liko, o kaya, merong mapupunta muna sa ibang lugar bago makarating ng Quiapo. Malay ko kung tama pa ba pinagsasabi ko tungkol sa tatlong pupunta sa Quiapo.

Pero ako, pumunta ako sa Quiapo. 'Yung sa Manila. 'Yung may malaking simbahan na may maraming tao sa paligid, kasi naniniwala akong may kanya-kanya rin tayong trip.

Baliko na ang salamin ko. Naputol 'yung isa niyang braso ba o binti. Mahal-mahal pa naman non! Tineyp ko lang for the past two days 'yung isang gilid para may magamit ako. Kasi kapag wala, baka naka ngudngod na ang ulo ko sa harap ng laptop ko sa opisina. Ang labo na talaga ng paningin ko. Tinanong ko si Raquel kung pwede magpasama. Off naman niya. Sinamahan niya ako pumunta ng Quiapo nung araw na 'yon. Nag half day ako sa opisina.

Hindi naman ganon ka init, hindi rin umuulan, pero medyo makulimlim. Tila nagbabadya nang pag ambon. Pero, hindi naman kami naulanan, buti na lang. Nakapag pagawa ako nang bago kong salamin na not so Althea Cahayag. Kala ko It Girl na ako, kasama na ako sa hanay nina Solenn, chos.

Ang daming tao sa Quiapo. Bawat lakad mo sa may simbahan, tatawagin ka.

Ate, Ate! May tanong ka? Ano hanap mo? (Pera at pag-ibig po, Ate. Saka pala kapayapaan.)

O ayan, original lemon 'yan! Bili na. (Kuya, may fake lemons ba?)

Ate, Ate, ano hanap nila? Pamparegla?

Dalawang beses ata kami tinanong kung kailangan namin ng pamparegla. Tapos tumawa ang payat na ateng nagtitinda ng mga parang halamang gamot pagkasabi namin ng, Hindi po.

After namin magpagawa ng salamin (mura nga pala magpagawa ng salamin sa Quiapo o sa Carriedo. 'Yung mga 5k to 10k niyo sa malls, 3k pababa lang 'yan sa Quiapo. 'Yung akin, transition glasses na. 'Yung kala mo naka shades pag maaraw. Nasa 3k lang kasama na buong frame), sabi ko kay Raquel, Punta tayo sa simbahan. Papahula ako. 

Sabi ni Quel, mas maganda raw kung hihintayin mong tawagin ka kaysa ikaw ang lalapit. Ano 'to, pag-ibig? Hihintayin mong lumapit sa'yo?

Naka ilang ikot na kami, wala namang tumatawag sa amin. Naramdaman ata nilang trip-trip ko lang 'to. Mali pala kasi kami nang dinadaanan. Nasa kabilang gilid pala ang mga maghuhula.

And so, may tumawag sa akin. "Ate, Ate! Tara!"

Hindi ba't ang weird na kung nasaan ang simbahan, naroon sa paligid ang mga manghuhula at mga nagtatanong kung naghahanap ka ba ng pamparegla?

Umupo ako sa harap niya. Ni hindi tinanong magkano, paano, hello, anong pangalan mo?

Quel took this photo.

Humawak ng isang deck ng tarot cards si Kuya. Magtanong daw ako sa baraha.



Hindi ako prepared. Magsasalita ba ang mga ito? Tawa lang ako nang tawa. So si Kuya na ang nagtanong para sa akin. Hindi ko naman alam anong tinanong niya. Basta ang mga lumabas sa baraha,

Yayaman daw ako basta magsikap ako. Hindi ba default answer 'yun? Sinamahan pa ng, Nakikita ko galante ka, eh. Waldas nang waldas ng pera. Excuse me, Kuya, nagtitipid na ako. Takot akong hindi ko mabayaran ang insurance ko.

Magkaka anak daw ako pero iiwan ako nang makakabuntis sa akin.

I was shookt! ANO RAW?! Paano? May masama bang mangyayari sa akin, Kuya? Kasi the only thing na maiisip kong magkaka anak ako ay kapag pinuwersa at ni-rape ako. I advocate safe sex, Kuya. Huwag kang ganyan. I advocate consent, nagsisinungaling ang mga baraha mo. Hindi ko 'yan sinabi sa kanya.

Pinabalasa ulit niya ang mga baraha. Pinapili ako ng ilan. Hindi ko na kasi maalala, ang tagal na nito. Haha!

Saka na ako nagtanong.

Tataas po ba ang sweldo namin?

Tinapon ni Kuya ang mga baraha sa plywood na nakatuntong sa plastic chair. Mabilis. Bawat isang tapon, mabilis, kasabay nang mabilis niyang pagsasalita. Parang scripted na hindi ko maintindihan. Sa lahat ba nang nagpapahula kaya sa kanya, ganito ang siste niya?

Oo, tataas ang sahod niyo basta magsikap ka at sa tulong ng iba. 

Ayan na naman sa pagsisikap. Hindi pa ba ako nag sisikap, Kuya?

Binato niya ulit ang mga baraha. Ikamamatay ko raw ang tubig. Natigilan kami ni Raquel. Nagkatinginan. Natawa na ewan.

Sabi ko, Siguro nga po. Hindi kasi ako marunong lumangoy.

Natigilan si Kuya. Bubuklatin na sana niya ang isa pang baraha pero tumingin siya sa aming dalawa ni Raquel. 

Binasa rin niya ang mga guhit sa dalawang palad ko. Yayaman daw ako. Paulit-ulit niyang sinabi ito. Kapag ako talaga, hindi yumaman, babalikan ko siya. Tapos baka sabihin sa akin na ang mga hula ay gabay lamang.

Ang huli sa hulang naaalalala ko, sabi niya, Mag-ingat sa mga kaibigan mong nasa paligid lang. Naunang magpanic sa akin si Raquel. AKO BA 'YON, KUYA?!, tanong niya sa manghuhula. Natawa lang si Kuya at hindi sumagot.

At walang sabi-sabi, nag abot siya ng Panda ballpen sa akin bigla at isang maliit na spring notebook. 'Yung kasya sa bulsa. Lukot-lukot na ito. Pinagsulat niya ako sa isang pahina nang maliit niyang notebook. Sabi niya, isulat mo ito: Isang tabo ng water, isa't kalahating asin, i-mix mo. Habang sinasabi niya ang mix, minuwestra niya sa mga kamay niya ang paghalo. Kala mo may kung anong kawa sa pagitan namin. Five minutes, dugtong niya. Tapos sabon na mabango. Kinuha niya pabalik ang notebook niya.

Ihalo ko raw kasama ng kung anong nasa kamay niya. Inilapag niya sa plywood sa harapan namin ang isang plastic na pa-square, na may maliit na paper bag sa loob. Itext ko raw siya ng ala-sais, bago ako maligo. Tinanong niya, anong oras daw ba ako naliligo. Pinangunahan na niya akong ala-sais ako naliligo. Tulog pa ako non.

Ano kayang laman ng pakete?

Pwede bang 7 A.M. na lang? O sige raw. Ala siyete. Sinulat niya sa papel kasama na ang number niya at pangalan saka niya pinilas at ibinigay sa akin. Alex. Alex ang pangalan niya. O baka naman Alexis? Mga letra ba ang after ng X sa sulat niya o decoration lang?

Dadasalan daw niya bago ko gamitin ang tubig kung saan ko ihahalo ang mga bagay na sinabi niya. Pampawala raw ng malas at disgrasya. Sa katawan ko lang daw gagamitin, huwag sa ulo. Bukas ng umaga ko raw gawin.

Tinanong ko kung magkano. Two hundred fifty raw, kasama na ang inabot niyang plastic na may papel sa loob na pampawala ng malas. Takte, ang mahal pala magpahula at magpa alis ng malas sa katawan este sa buhay. Naliligo naman ako araw-araw.

Umalis kami ni Raquel. Nagpasalamat. Pagkalayo, nagtawanan dahil sa mga kalokohan ko at kumain. Ni hindi namin tinignan kung ano ang nasa loob ng binigay sa akin. Kumuha kami ng alumni ID namin. Tapos nag mall at umuwi na. Habang nasa jeep, bumagsak na ang ulan, sabi ko sa kanya, Ano kayang laman nung binigay ng Alex na 'yon? Dapat tinignan natin! Baka mamaya nito, matokhang tayo kapag biglang may nang raid dito sa jeep!!! Kung ano pala ito.

Pag-uwi ko ng bahay, saka ko lang tinignan kung ano ang nasa loob. Kulang na lang gayahin ko mga napapanood ko sa pelikula at kinabahan ako dahil na rin sa lagay ng kalsada at dagat ngayon. Na bigla ka nalang madadampot tapos may karton ka na lang sa katawan mo. 

Gusto ko dilaan, gusto ko lasahan, gaya ng mga ginagawa ng mga pulis sa mga teleserye at pelikula. Hindi ko ginawa.

Nag Google ako. Doon ko nalaman kung ano ang nasa loob ng pakete.

Tawas. Na durog.

Comments