Matagal ko na itong iniisip. Na kung darating ang panahon na hindi ko na magagamit ang mga kamay at mga paa ko, habang buhay pa ako, baka mas gustuhin ko na lang na sana, namatay na lang ako.
O kaya, kung magkakaroon ng pangyayari sa buhay ko, tapos sasabihin ng doktor na hindi na ako pwedeng magbisikleta pa, hindi ko na kailangang iproseso ang nararamdaman ko gaya nang madalas na nangyayari sa akin. Sigurado, malulungkot ako, iiyak nang iiyak, at hindi matatanggap ang mangyayari.
Hindi ko na maalala kung anong eksaktong edad ba ako natuto mag bisikleta. Alam ko lang, nasa lumang bahay pa namin kami. Isang araw, Linggo ata iyon, nasa palengke kami. Hindi ko rin alam bakit kami nasa palengke. Malabo ang mga pangyayaring iyon sa akin pero may isang malinaw. Nakatingala ako tapos tinuro ni Tatay ang isang bisikletang hindi gaanong maliit, hindi rin gaanong kataas. Katamtaman, para sa tangkad o liit ko non. Hindi ko rin alam bakit bumibili ng bisikleta si Tatay at Nanay pero alam ko, para sa akin iyon. Wala naman akong maalalang nanghingi ako ng bisikleta.
Hindi ko na rin maalala paano namin siya nauwi. Wala naman kaming sasakyan. Simula no'n, gigising ako ng ala sais nang umaga. Utos ni Tatay. Susubukan kong gamitin ang pula kong bisikleta na Power Rangers ang tatak. Kita mo 'yan. Bata pa lang ako mukhang may kahihinatnan na ako maski paborito kong isuot ang kalimbahÃn kong bestida.
Napaka wirdo ng Tatay ko. Sa umaga, hahayaan niya ako dumausdos pababa, ni hindi niya ako hahawakan sa pagsakay ko ng bisikleta. Noong unang araw naming nilabas ang bisikleta ko, nakapila ang mga batang kapitbahay namin. Salitan kami sa pagsakay. Pinadausdos din nila pababa dahil 'yung kalsada sa labas ng subdivision na tinitirhan namin, isipin mo, umaakyat-baba ka ng bundok, patag at sementado lang.
Nung sumakay 'yung isang bata, binangga niya sa may isang sementadong harang para tumigil siya sa pagdausdos. Nagalit ang Tatay ko. Sumigaw! "Sinisira niyo na, eh!" Nagtataka ako no'n bakit doon lang siya nagalit eh ilang beses na iyon ginawa ng mga batang nakipagsalitan sa akin. Ang totoo niyan, parang ayaw ko na nga mag ensayong magbisikleta no'n dahil ang daming tao. Nahihiya ako. Ayaw kong makita nilang sumemplang ako maski may mga training wheel naman.
Kapag nasa loob ng bahay ang bisikleta ko, sa sala, pinagpipipindot ko ang mga button sa manibela maski design lamang naman sila sa stryo na nakapalibot at hindi talaga napipindot. May turbo, may speed, may kung anu-ano tapos gagawan ko ng sound effects, Zoooomsh! Pero hindi naman ako maka andar. Kaya naman sa sala pero hindi pa rin ako marunong pumadyak maski hindi naman tinanggal ang mga training wheel.
Sa ilang mga araw, nalipat ang pag e-ensayo namin sa hapon. Nalipat din ng lugar. Sa kabilang direksyon naman na patag. Napapaisip na naman ako bakit hindi namin ito ginawa nung simula pa lang? Bakit kailangan sa padausdos ang direksyon namin?
Noong una, alalay pa ang Tatay ko. Naka hawak siya sa manibela at sa likuran ng upuaan, tinutulak ako habang pumapadyak. Sa sumunod na mga araw, tinanggal niya ang dalawang training wheels. Hindi naman ako kinabahan kasi alam ko, hahawakan niya ulit ang manibela at likuran ng upuan.
Pag labas namin sa kalsada, sumakay ako sa bisikleta. Hindi ko pa mapaandar dahil nga hindi pa ako marunong magbalanse. Habang hinihintay ko ang Tatay kong hawakan ang bisikleta sa harap at likod para gabayan ako, ang Tatay ko, iba ang ginawa. Hinawakan niya ako sa batok at sinabi niyang simulan ko na ang pagpadyak.
Natakot ako. Sobrang takot ko na ayaw ko nang mag ensayo. Gusto ko na ipasok ang bisikleta ko pero ayaw ng Tatay ko. Ang naaalala ko, umiiyak ako nang kaunti may kasama pang mga sigaw. Hindi ko alam kung dahil takot akong matumba o dahil sumisikip ang hawak ng Tatay ko sa batok ko para mapanatili niya ang balanse ko.
Tuwing naaalala ko iyon dati, ang paghawak niya sa batok ko at hindi sa manibela at likuran ng upuan ng bisikleta, naiisip kong baka hindi niya talaga ako mahal. Bakit hindi niya ginagaya ang ibang mga Tatay na nagtuturo sa mga anak nila magbisikleta? Bakit kailangan sa batok niya ako hawakan?
Nang nagka edad na ako, unti-unting nagka isip, napagtanto kong siguro, kaya iyon ginawa ng Tatay ko kasi alam niyang sa buong buhay ko, magiging matalik na kaibigan ko ang bisikleta ko. Siguro alam niyang hindi ako magkakaroon nang maraming kaibigan. Mga mabibilang mo lang sa mga daliri ng dalawang kamay. Na siguro, kaya niya ako pinahirapan para mas mabilis kong makuha ang balanse na kailangan ko na para kapag malungkot ako, magagawa kong umalis kasama ng bisikleta ko. May problema? Bisikleta. Masaya? Bisikleta. Kailangang huminga? Bisikleta. Mabigat ang loob, walang makausap? Bisikleta. May gustong takasan? Bisikleta. Pandemya? Tang ina, nand'yan ang bisikleta.
Siguro alam niya, na bago pa ako matuto magbisikleta, bago pa man siya mamatay, magiging malaking parte ito ng buhay ko. Kung naisip nga iyon ng Tatay ko, hindi siya nagkamali.
Wala na ang pulang Power Rangers na bisikletang unang minahal ko. Hindi ko na rin maalala kung paano nila dinispatsa, hindi man lang ako nakapag paalam. Minsan tuloy, naiisip ko kung totoo bang nagkaroon ako ng pulang Power Rangers na bisikleta. Baka mamaya, kagaya lamang ito ng mga kuwentong naaalala ko lang pero hindi totoo. Hindi naman kasinungalingan lahat pero baka mali ako ng detalye. Gaya ng pilat sa mata ko. Akala ko dahil sumagi ako sa mesa iyon pala, nalaglag daw ako sa upuan noong dalawang taon pa lamang ako tapos tumama ang mata ko sa arm rest. Sobrang iba sa naaalala kong kinukuha ko ang laruan ko sa mesa at nasagi ko ang isang parte nito at sumigaw si Granny ng, Tulong! Ang apo ko!
Nagkaroon na rin ako ng bagong bisikleta na binili rin ni Tatay. BMX naman, bughaw. Tapos binilhan din niya ang kapatid kong si Noel. Noong nabubuhay pa siya, minsan sabay-sabay kaming tatlo magbiskleta pero mas madalas, hindi na ako nakakapag gala o kaya, kanya-kanya na lang. Kinalaunan, binenta na rin ang bisikleta kong iyon at nanatili ang bisikleta ni Noel. Hindi ko alam bakit bisikleta ko ang binenta. Ni walang nagtanong sa akin kung okey lang ba sa aking ibenta 'yon. O baka hindi ko na naman maalala.
Dalawang beses na rin akong bumili ng bisikleta mula sa sarili kong pera. Nabenta ko na iyong luma at gamit ko pa rin 'yung huli kong binili na sa hindi ko maisip na dahilan, paano ko nagawang bilhin sa presyo niya lalo na't dati ay hindi naman kalakihan ang sahod ko. Buti at pumayag si Kuya Noel na nangbebenta ng second-hand na mga biskleta nang dalawang bigayan ko bayaran. Oo, katukayo niya kapatid ko.
Sulit naman. Tuwing gamit ko siya, sumasaya ako. Nakatatakas ako sa mga bagay na ayaw kong isipin. At kung naiisip ko pa rin sila, maganda nang isipin ko sila habang dinadama ang hangin, kasabay nang pag iisip kung makakaligtas ba ako sa kalsada nang hindi masasagasaan.
Comments
What do you think, Awesome?