Image

Ang Pagbebenta ng Himala: Elsa Loves You


Ikatlong beses ko nang napanood ang Himala. Sa tagpong ito, sa wakas, natapos ko siya. Palagi ko kasi siyang nakatutulugan dati hindi dahil nakaka antok siya kung hindi dahil, lagi kong gabi pinapanood. Ang huli ata ay nang magkaroon ito ng local airing sa ABS-CBN. Pagod ata ako galing sa trabaho o kung saan man noong gabing iyon. Iyong una ay galing akong eskwelahan.

Hindi siya nakaka antok; nakakapang gising siya. Sa edad ko ngayon, mas naintindihan ko siya, bukod na rin sa mga kuwentong nadinig ko at nabasa ko mula sa mga sinulat o mga talk ni Sir Ricky Lee na scriptwriter ng pelikula. Kontrobersyal ang pelikulang ito noon. At ngayon, nalaman ko kung bakit, bukod sa kontrobersiyang nakapaloob sa pinaka kuwento ng Himala ni Elsa. Elsa Loves You.



Nagsimula ang pelikula sa pagpapakita ng eclipse. Ang daming nag akalang katapusan na. Hindi nila alam kung ano ang eclipse o ano ang nangyayari. Totoo nga. Ang bayan ng Cupang ay tila walang muwang sa mga ganitong bagay. Kung sa ibang salita, nais kong sabihing mangmang ang mga nakatira rito, ang karamihan. Kaya naman mas naniwala sila sa Himala ni Elsa. O di kaya ay dahil na rin wala na silang ibang paniniwalaan kung hindi ang pananalig. Gaya ng sinabi ni Chayong, wala na silang makain, wala na silang pera, mahirap na kung mawawala pa pati ang paniniwala nila. Parang ganyan.

Habang nangyayari ang eclipse, naglalakad si Elsa mag-isa. Gaya ng kung sino siya mula pagkabata. Iniwan sa burol, mag isa. Buti na lang at kinukop siya ni Aling Saling at nagkaroon ng dalawang matalik na kaibigan. Si Chayong at Nimia na kinalaunan ay naging isang puta sa Maynila; tinakwil siya ng mga tao sa Cupang pagkatapos siyang maanakan ng isang travel agent na bumisita. Para siyang ang leproso na sinasabi ng mga tao sa pelikula. Ang leprosong si Birheng Maria na nagwangis leproso at nanghingi ng tulong sa mga taga Cupang. Sabi nila, magbabalik daw ito pero gaya ng dati, mag iibang anyo at hihingi ng tulong at paaalisin ulit. Ito raw ang dahilan kung bakit malas ang bayan ng Cupang. Naghihirap ang mga tao, walang makain, walang mainom, dahil hindi na umuulan.

Gaya ng Birheng Maria, nanghingi ng tulong si Nimia kay Elsa dati pero walang nangyari. Pinaalis pa rin si Nimia, at nagbalik, bilang si Nimia pa rin. Nagpagawa ng isang Cabaret na tinawag niyang Midnight Heaven para sa kanilang dalawa ng ama niya. Kung si Elsa, nakita raw ang Birheng Maria, si Nimia naman ang magpapakita sa mga tao ng mga babaeng birheng maaari nilang rentahan. Kung nagagagamot daw ni Elsa ang mga may sakit, nagagamot naman ng cabaret ni Nimia ang mga sakit na hindi magamot ni Elsa – pangungulila siguro, at nang maibsan ang kalibugan sa loob ng bawat isa na sadyang nagpapaka linis o mabuti.

Sa pagbubukas ng cabaret ni Nimia, nakabihis siyang parang ang Birheng Maria sa harap ng mga batang lalaking naninilip sa mga babaeng nagbibihis sa kanyang cabaret. Nagsuot ng belo, naka suot ng bughaw na damit, at nagpakita ng kanyang mga suso sa mga batang ito. Ilang saglit pa ay nagpakita ng salamangka habang papalubog na ang araw. Kung si Elsa, tila may salamangkang hindi maintindihan kung paano nagsimula na nakapagpapagaling ng mga may sakit dahil nakita niya raw ang Birheng Maria sa burol kung saan siya iniwan, si Nimia, salamangkang nakuha niya mula sa pagtatrabaho sa Maynila. Maganda sa mga mata, nakaka akit, pero alam naman nating parehong mapanlinlang. Ngunit, maniniwala pa rin tayo o di kaya ay mamamangha. Esperekeng-keng, Esperekang-kang!


Ang mga salamangka ni Nimia

Si Nimia sa ibabaw ng tila munting burol, gaya kung saan nakita ni Elsa ang Mahal na Birhen, hinahabol ng mga bata na siya ring gusting patunayan kung nagpapakita nga rin ba ang Mahal na Birhen sa burol na pinag-iwanan kay Elsa.

Si Nimia na parang ang Mahal na Birhen

Habang pinanonood ko ang Himala, naisip ko na para bang ang Cupang ay isang purgatoryo kung saan nakalagak ang langit at impyerno. Ang langit ay ang bahay ni Elsa kung saan siya nanggagamot at ang mga problema ay nawawala sa dasal, haplos, at lagok ng benditadong tubig. Sa kabilang banda naman ay ang makasalanang cabaret ni Nimia kung saan may mga putang pwedeng ikama o kaya ay isama sa mesa. At ang bawat daing ng mga may sakit sa bahay ni Elsa ay dinadala ng hangin patungo sa Cabaret ni Nimia. Buti pa ang hangin, nadidinig ang kanilang panaghoy, pero sila, hindi nila nadidinig ang isa’t isa. Puro mga sarili lang nila. Nakakatakot na sa dalawang oras, madidinig mo ang mga panaghoy na ito kasabay ng ugong ng hangin, na tila ba nasa Cupang ka rin at ang nilalanghap mong hangin ay kagaya ng kanila.

Ngayon ko na rin naintindihan si Elsa. Ngayon ko naintindihan ang sinasabing spirals o bubog niya.

Palagiang asar kay Elsa na isa lamang siyang putok sa buho simula noong bata pa. At mula rin pagkabata, hindi na siya maintindihan ng kumupkop sa kanyang si Aling Saling. Nang dumating si Orly, ang direktor na nag a-abang ng kanyang break, mas naintindihan ko kung bakit nagawa iyon ni Elsa. Atensyon – iyon ang nais ni Elsa. Kaya naman magiliw siya sa mga camera. Nang magpaalam si Chayong nang kunan ni Orly ang kanyang paggagamot, ngumiti lang si Elsa. At tuwing tatawagin siya ni Orly, isang matamis na ngiti ang ibabalik niya.


Matalinong bata nga si Elsa sa kabila ng pagiging kakaiba. Nagawa niyang pasunurin ang karamihan sa mga taga Cupang. Siguro marahil na rin sa walang-wala ang mga taong ito at naghahangad ng isang himala sa kay tagal ng panahon na pinaniniwalaan nilang malas ang kanilang lugar. Siguro gano’n talaga. Kapag wala ka nang mahawakan, ang tanging matitira na lang sa’yo ay paniniwala. Ngunit misan, ang paniniwala ay pinagbibili na lang din. Si Orly na hindi man naniniwala sa Diyos o sa Himala ni Elsa, napasunod pa rin ni Elsa. Para bang dadalhin daw siya ni Elsa sa kakaibang lugar. Sabi nga ni Nimia, Marami kang taga sunod, pero wala kang kaibigan. Ikaw ang may sakit, hindi ang mga tao.


Ano nga ba ang pinagkaiba ni Elsa at ni Nimia? Isang nagbebenta ng himala, at isang nagbebenta ng panandaliang ligaya. Gaya ng sinabi ni Nimia, Ano bang pinagkaiba ng puta sa Maynila at puta sa Cupang?

Nagsimulang ipagbili nila Elsa ang dasal, ang mga tubig, at kung anu-ano pa gaya na lang ng t-shirts. Gaya ng pagbebenta ng mg babae sa kanilang mga sarili sa cabaret ni Nimia. Maski si Chayong na pinaka relihiyoso sa kanila, pinagbili na rin ang sarili niyang kaligayan para lamang kay Elsa. Iniwan niya ang pagtuturo, iniwan siya ni Pilo kung kalian handa na siya. At kung kalian handa na siyang ibigay ang kanyang sarili, kinuha ito ng iba. Akala niya ay maliligtas siya ni Elsa ngunit pareho lamang sila ng sinapit – pinagsamantalahan, naiwang mag-isa. 

Dito mo rin makikita kung gaano bukod sa sakim at madamot ang mga tao, ay kung gaano ka ipokrito ang bawat isa. Merong mga nagmamalinis ngunit sa cabaret din pala ang tuloy. Isa sa mga nagsabing kailangan itong ipasara pagkatapos makaraos mula sa babaeng ni hindi niya kilala. Oo, Baldo, ikaw ito. At si Aling Alba na nagbigay ng ideyang magkaroon ng Seven Apostles, lagyan ng presyo ang pagbebenta ng dasal ni Elsa, at siyang bumili ng resort kaya hindi pwedeng tumigil si Elsa sa paggagamot.

Marami ang mga nais magpagamot kay Elsa. Marami sa kanila ay malulubha ang sakit gaya na lang ng bukol sa mukha, mga matang hindi makakita, na tila kailangan talaga ng isang himala upang gumaling. Meron din namang hindi mo akalaing kakailanganin pa si Elsa dahil lamang sa sakit ng kanilang ulo. Nakakatawa, absurdity, pero dumagdag ito sa kagalingan ng pelikula. Na kung paano nito ipinakita na kapag wala ka nang makuhang solusyon, kakapit at kakapit ka sa patalim o di kaya ay paniniwalain ang sariling may pag-asa pa. O di kaya ay ang paniniwala sa pagdating ng mga himala kahit may iba namang mas tiyak na solusyon.


Naisip ko rin, marahil hindi ang pagpapagaling ni Elsa ang nais nila. Siguro gaya ni Elsa, ang gusto nila ay atensyon. O baka ito rin ang kailangan nila. 

Isa rin sa mga ipokrito si Orly. Pagkatapos niyang makunan ang panggagahasa kay Elsa at Chayong, sinabi niya kay Elsa na hindi na niya ito gagamitin. Hindi na niya ipalalabas pa ang pelikula dahil pakiramdam niya, gaya ng mga lumpastangan sa dalawa, inabuso rin niya ang magkaibigan dahil wala siyang ginawa. Naging ang tanging mahalaga lamang para sa kanya ay ang kanyang sining na sinabi niyang kapag nawala na ang lahat, ito lang ang mananatili.

Nang ipabalitang bumalik na ang Himala ni Elsa dahil nakita ni Baldong nagsusuka ito, bumalik din ang paniniwala ng mga tao kay Elsa pagkatapos ng pagkamatay ni Chayong na nagbigti, ng dalawang anak ni Sepa na namatay dahil kumain ng hilaw na karne at hindi nagpatawag ng doktor dahil naniwala siyang gagaling ang dalawa niyang anak kay Elsa, at ng isang sanggol ng aleng may peklat ang mukha. Lahat sila ay naniwala ulit kay Elsa dahil nabuntis daw si Elsa na birhen. Hindi nila alam ang nangyari ng isang hapon ng Miyerkules na kung saan walang himalang sumaklolo kay Elsa at Chayong. Mapapansin din na mas maraming nakiramay kay Chayong at sa mga anak ni Sepa kaysa sa sanggol ng Aleng may peklat sa mukha.

Welcome to Cupang
This way to Elsa's Shrine


Ito rin ata ang take kung saan sinabi ni Ishma kay Nora na kailangan niyang umiyak sa kaliwang mata niya. Take one lang at nagawa ni Nora.

Si Nimia, naka alalay pa rin kay Elsa.


Ang prusisyon ng mga nakiramay para sa anak ng Aleng may peklat sa mukha.

Mapangahas ang pelikula. Pinakitang nakabigti si Chayong, pinakita rin ang mga suso ni Nimia. Isa pa, ang metapora ng pambababoy ni Pilo kay Chayong sa kulungan ng baboy. Sabihin na nating mahal nila ang isa’t isa pero ilang beses nagpupumiglas si Chayong ngunit parang hayok na baboy sa dilim si Pilo.

Binaril si Elsa ng di nakikilalang tao pagkatapos niyang isiwalat ang katotohanang walang Mahal na Birheng nagpakita sa kanya, na hindi siya birheng buntis, na walang himala. Nagkagulo ang lahat. Ngunit sa pelikula, ang ginulpi ng mga tao at hinuli ay isang lalaking naka suot ng shirt na may mukha ni Elsa. Siya nga ba ang kumalabit ng gatilyo? At si Orly, gaya ng dati, tila ba nalimutan na niya ang sinabi niya kay Elsa bago siya umalis – tinutok ang camera sa sugatang si Elsa, kinuhaan ito habang siya ang naghihingalo hanggang sa mawalan na ng hininga. Bago malagutan ng hiniga si Elsa, tila ba kinakausap niya si Orly. Pinaaalala ang sinabi niya bago siya umalis. Ilang beses binaba ni Orly ang kanyang camera pero ilang ulit din niya itong binalik upang kuhaan si Elsang nag a-agaw buhay. Kung titignan, dati pa pala tayo obsessed sa pagkuha ng mga bagay gamit ang ating mga camera pero wala tayong gagawin para mas mapabuti ang kalagayan ng nangangailangan.





Totoo nga sigurong si Elsa ay si Nora Aunor. Gaya ng mga naniniwala kay Elsa, ganun din ang mga tagahanga ni Ate Guy. Ang kinaibahan, walang Himala si Ate Guy. Kagalingan ang meron. Kakaiba nga ang mga mata niya. Nangungusap kahit walang sinasabi ang bibig.

Tila ba ang Cupang ay isang lugar din na dapat mo nang takasan o iwanan. Gaya ng pag-uusap nina Narding at Nimia, sinabi ni Narding na ang mga tao sa Cupang ay gutom, naghihirap, kaya naman kung anu-ano na ang nakikita. Sadyang malakas ang imahinasyon ng mga tao. Minsan, nagagawa nating totoo ang mga kasinungalingan; gaya na lamang ng Himala ni Elsa. At ang totoo? Marami tayong Cupang na nilalakaran at pinananatilihan.

Gustong-gusto ko ang karakter ni Nimia. Totoo, walang pag aalinlangan, tao. Sa dulo bago tuluyang magkagulo dahil sa pagbabalik ng Himala ni Elsa, sa ilalim ng ulan, gaya ng Birheng Maria, umalis ulit si Nimia. Binigyan niya ulit ng sigarilyo ang kanyang tatay. Sigarilyo na bigla na lang lumabas sa kamay niya mula sa pagkakadukot sa gitna ng dalawang binti ng ama. Natuwa ulit ang kanyang ama, napukaw ng sigarilyo ang kanyang atensyon kaysa sa ulan at sa pag-alis ng kaisa-isa niyang anak. Hindi dahil pinaaalis ulit siya kung hindi dahil siguro, ito na ang desisyon niya. At dahil doon, marahil, siya lang ang natirang nailigtas ng himala man o ng sarili niyang desisyon.



Totoo nga. Noong 1982, nakagawa si Sir Ricky ng isang Himala.

Comments