Image

Ang Katahimikan ni Ate




Tahimik lang na tao si Ate. Tahimik sa klase, hindi nagre-recite pero sa quizzes at exams, ipupusta ko ang lahat, matataas ang mga score niya. Huwag lang sa Math. Tahimik din niyang sinasarado ang lahat ng pintong binubuksan niya. Tahimik lang din siya maglakad. Hindi mo gaanong maririnig ang mga yabag niya. Tahimik lang din siya kahit may mga bisita. Hangga’t maaari, hindi siya sasama sa amin kapag pupunta kami sa mga kamag-anak namin. Ayaw niya kasing tinatanong siya. Bakit ba kasi laging dapat sagutin ang mga tanong? Dinig ko sa kanya dati. Pwede namang magtanong pero hindi ibig sabihin, may isasagot ako. Hindi ko naman siya masisisi. Minsan kasi, parang hindi na nagtatanong ang mga kamag-anak namin. Nakikitsismis na lang.




Second year high school si Ate nang mamatay si Tatay kaya naman kahit hindi niya sabihin, alam kong nasa kanya ang pressure dahil siya ang panganay. Hindi kami ganon ka-close. Hindi kami ganon kadalas mag-usap. Magbiruan, pwede siguro dahil minsan, inaasar ko siya at game naman siya. Pero yung magkwentuhan tungkol sa mga personal na bagay, malabo. Mapa-problema, masasayang pangyayari, wala. Pero hindi kinakalimutan ni Ate ang mga obligasyon niya. Pambayad ng tuition ko every sem, check. Pagbibigay kay Nanay ng parte ng sahod niya, check. Pambayad ko sa mga project, check.

Ngunit dumating yung araw na may sinabi si Ate. May girlfriend na ako. Nagulat si Nanay. Ako, wala lang. Ni minsan, wala pa siyang pinakilala na boyfriend niya. Ni tungkol sa love life, wala siyang kinu-kwento sa amin. Pero napapansin kong lagi siyang may katext at may lalaking pumunta sa bahay namin dati nung high school pa lang siya. Inisip ko na boyfriend niya ‘yon dahil parang ilang sila sa isa’t isa. Parang may tinatago. Pero hindi ko na pinaki-alaman. Baka hindi pa lang handa si Ate o sadyang gusto niyang gawing sikreto kagaya ng iba pang mga bagay na tinatago niya.

May girlfriend ako. Ulit niya. Ipapakilala ko sa inyo sa susunod. Kaswal na kaswal niya itong sinabi. Parang pag-aya niya lang sa akin na Kain na tayo, li’l bro-bro. Uminom si Nanay ng tubig saka nagsalita. Ah, kaibigan mong babae. Kaklase mo? Parang nainis si Ate sa narinig niya. Girlfriend. Nobya. Mahirap bang intindihin yon? Tinapos niya ang pagkain niya at umakyat na sa kuwarto para magpahinga. Walang imik si Nanay. Parang hindi na rin niya maubos ang hapunan niya. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari pero umakyat na lang ako para gumawa ng homework. Walang sinasabi si Ate. Normal lang. Kagaya ng mga gabing hawak lang niya ang telepono niya. Naglalaro, nag i-internet, at nagte-text.

Nagising ako bigla dahil sumisigaw si Ate. Ano bang mali sa sinabi ko kagabi? Sigaw niya kay Nanay. Bakit? Sagot ng isa. Hanggang nasundan ng, Di ba dati, tinatanong mo ako kung pwede ka na magboyfriend? Bakit ngayon, girlfriend ang sinasabi mo? Tomboy ka? Hindi kita pinalaking ganyan!

Hindi ko magawang maki-alam sa kanila. Sorry, Ate pero hindi kita ipagtatanggol ngayon. Dahil alam kong hindi mo kailangan.

Tomboy na kung tomboy kung ‘yan ang gusto niyong itawag sa akin! Ano bang mali sa nararamdaman ko? Mali bang magmahal? Bakit? Dahil mas gusto niyo pa yung mga napapanood niyo na nag-aagawan ng asawa at naninira ng pamilya? Wala akong tinatapakang tao!

Ngayon ko lang nakitang ganito si Ate. Ni minsan, hindi siya nakipagtalo kahit alam niyan tama siya dahil nakakapagod lang daw. Wala rin naman daw mangyayari dahil hindi mo pwedeng ipaintindi sa ibang tao ang mga bagay na ayaw nilang maintindihan. Hinahayaan na lang niya.

Wala ka ngang masisirang pamilya, sabi ni Nanay, pero sisirain mo ang sarili mo!

Patlang. Walang nagsalita pero bakas sa mukha ni Ate ang galit sa mga sinabi ni Nanay.

Mahina pero may diin nang magsalita na rin siya sa wakas. Nanay ba talaga kita?

Mula nang araw na iyon, parang lumaki ang bahay namin. Sa sobrang laki, hindi na kami magkakitaan. Madalang nang mag-stay si Ate sa bahay. Bukod sa trabaho, lagi rin siyang wala kapag Sabado at Linggo. Ang dahilan? Hindi namin alam. Gabing-gabi na rin siya umuuwi. Minsan, lagpas madaling araw.

Ilang beses kong naaabutang nag tatalo sina Nanay at Ate dahil hindi pa rin pumapayag si Nanay kahit anong sabihin sa kanya.

Hindi ako humihingi ng permisong payagan mo akong magka girlfriend. Hindi na magbabago ang desisyon ko. At kung hindi mo ako kayang tanggapin, wala na akong magagawa. Paulit-ulit na lang. Nakakasawa na.

Kinabukasan, wala si Ate sa kama. Wala na rin ang mga gamit niyang palagi lang nando’n pero may isang yellow paper sa ibabaw. Umalis na siya. Magsasarili na raw. Saan? Hindi namin alam. Pero kahit na umalis siya sa bahay, regular pa rin siyang nagpapadala ng pambayad ko ng tuition. Nagkikita pa rin kami kapag may kailangan ako, pero hindi niya sinasabi kung saan siya o sila nakatira. Hindi siya tumigil bilang Ate ko.

Hindi nga siguro kami kumpleto sa bahay. Wala nang humihiga sa kama ni Ate. Hindi na yon magulo. Pero gumawa si Ate ng desisyon na sa tingin niya ay tama. Nasaktan niya si Nanay, oo. Pero nasaktan din niya si Ate. Hindi naman nasira ang pamilya namin. Nagkahiwalay lang, pansamantala, siguro. Ngunit lalo akong humanga sa kapatid ko. Natuto siyang ipaglaban ang sarili niya imbes na manahimik na lang, kahit marami sigurong hindi sasang ayon sa desisyon niya. Maingay ni Ateng binuksan ang pinto at tahimik na lumabas, ngunit hindi ito naisara nang maayos.

Pero sana, bukod sa matanggap na siya ni Nanay, ipakilala ni Ate sa akin ang girlfriend niya. Magiging dalawa na ang ate ko ‘pag nagkataon.

*Photo used not mine

Comments