Image

Agimat, Duwende, Puno ng Santol, Lolo Big Boy

Noong elementary ako, lagi akong tinatanong ng mga kaklase ko kung ano ‘yung kulay red na nasa bewang ko. Syempre, sa mga nakakita lang occasionally - kapag sabay-sabay kaming nag banyo o kaya umangat ang blouse ko.

Kulay pula na may garter. Agimat.

Noong bata pa kasi ako, mga kinder ako, tuwing hapon, naglalaro ako sa puno ng Santol. Ako lang mag-isa kasi ‘yung mga kalaro ko, sina Ate Apol, Kuya BJ, bukod sa age gap, nasa school pa sila. Isang araw, sumakit ng sobra ‘yung tiyan ko. As in sobrang sakit to the extent na sinuka ko ‘yung noodles na pinapakain sa akin ni Granny.

Kung anu-ano ng haplas ang nilalagay niya sa tiyan ko. Tapos tatlo. Tatlong doktor ang pinuntahan namin ng Nanay ko. Naaalala ko pa mga pinagawa nila at sinabi sa Nanay ko.

Unang doktora: Umiinom pa rin sa beberon ang anak mo? Ang laki na niya! Painumin mo na sa baso, baka kaya sumasakit ang tiyan. (Ngayong bente singko na ako, naisip kong baka inisip ni dok na may kabag lang ako? Ewan ko. Medical friends, send help.)

Natuto akong uminom sa baso dahil sa sinabi ni doktora. Yup. Kinder na ako at hanggang prep ata o Grade 1, naka beberon pa ako o feeding bottle (Mga Nanay, mga Tatay, huwag pong painumin sa feeding bottle ang inyong mga anak. Mas mahusay po ang breastfeeding. Kung hindi naman po makakapag breastfeed, pwedeng mag imbak ng express breast milk at ilagay ito sa malinis na container. Please note that use a cup kapag pinainom ang express breast milk kay baby. No tsupon. Hindi pa ito alam ng Nanay ko dati kaya bineberon nya kaming dalawa ni Noel. Breast milk is for babies until two years old. Pero breastfed kami.)

Masakit pa rin ang tyan ko.

Pangalawang doktora: Painumin mo ng tsaa ang anak mo.

Bumili ang Nanay ko ng tea pag uwi namin. Uminom ako pero hindi pa rin nawawala ang sakit ng tyan ko. Kung mawala man, babalik at babalik din siya ulit.

Ikatlong doktor (na doktor ng Nanay ko): Bakit mo pinainom ng tsaa ang anak mo? Ang bata pa nyan! 

Hindi ko maalala kung may binigay pa bang gamot si dok pero ang ending, hindi pa rin nawala ang sakit ng tyan ko. 

Hanggang dumating ang kapitbahay naming si Mama Jean (tawag ko sa kanya). Ang Nanay nina Ate Apol at Kuya BJ. Sinuggest niya kay Nanay na ipatawas ako.

Sumakay kami sa FX nina Mama Jean. Pumunta kami sa mang tatawas. Pinaupo niya ako sa harapan niya, nasa pagitan namin ang silver na palangganang may tubig. May hawak siyang nakasinding kandila tapos, nagform ‘yung wax ng kandila sa palangganang may tubig. Pinapatulo niya kasi ron.

Sabi ng teacher ko sa MAPEH nung second year high school, tinry daw niya yun pero walang nagform kasi the wax can’t be friends with each other in every drop. Hiwa-hiwalay sila kapag bumagsak na sa tubig. Pero nung tinawas ako, may nagform nga pero di ko naman mafigure out ano ‘yung shape.

Na duwende ang anak niyo, sabi ni Ate kay Nanay at Mama Jean.

Pag-uwi namin, sabi ni Tatay, Naku, Ate. Itim na duwende raw nakipaglaro sa’yo. Buti sana kung puti, mabait pa. Kaya pinapahirapan ka ngayon. (Kapag black talaga masama tas kapag white, mabuti ang interpretation natin, no? Pero syempre, hindi na ako ganyan mag-isip ngayon.) Nang gabing ‘yun, doon na ako nag suka. 

Nawala ‘yung sakit ng tiyan ko. May pangontra atang binigay si Ate mangtatawas kanila Nanay. Tapos si Tatay naman, kinontak si Lolo Big Boy. Parang shaman o albularyo ata si Lolo Big Boy. Mga tropa talaga ng Tatay ko, eh! Kuwento ni Tatay, kaya raw niya magpagaling o mangulam kahit gamit lang ang picture, nasaan man daw sa mundo ‘yung taong nasa photo. Nagawa na raw niya ‘yun ng maraming beses, nasa abroad pa ‘yung tao.

Ang sunod ko na lang na naaalala, may bagong dumating na babae. Hindi siya ‘yung mangtatawas. May kung anu-anong hinanda sila Nanay at Tatay. Feeling ko, insenso ‘yun. Naaalala ko, hinawakan ako sa dalawang paa at dalawang kamay. So naka higa este dapa ako pero elevated kasi nga hawak ako sa both ends, tapos swining nila ako kung sino man sila, I am not sure kung si Tatay ba ‘yung isa, from left to right and so on habang nasa ilalim ko ‘yung umuusok na insenso. Ayoko nung amoy pero sige, tiis lang.

Pagkatapos nang pambabalya sa akin, nawala ang sakit ng tiyan ko. Sinabihan ako nina Nanay, Tatay, at lalo na ni Granny na huwag na ako maglalaro sa ilalim ng puno ng santol. Ang saya pa naman maglaro doon. Feeling ko, isa ako sa mga outer space rangers. Ginagamit ko pang eye shield ‘yung headband ni Granny. May pinapanood kasi ako nun dati sa channel 5, ABC5 pa sila non. Virtual Reality ata title. Ngayon, naiisip ko, the santol tree was my friend when no one was there. (Wow, drama.)

The next days, may pinasuot na sa akin si Tatay. Kulay pulang triangle na tinahi raw ni Nanay tapos may garter. Lagi ko raw isuot, kahit tulog. Huhubarin lang kapag maliligo. Kapag kinakapa ko ‘yung pulang tatsulok, parang may papel sa loob na nakabalot sa plastic tapos may bala. Sabi ni Tatay, bala raw ‘yun para mas effective ang agimat. Agimat. ‘Yun ang dahilan kaya niya kinontak si Lolo Big Boy.


Dumating ang Pasko o New Year ata ‘yun. Kainuman ni Tatay si Lolo Big Boy. Tapos, bago mag 12 midnight, wala pa ‘yung mga pagkain namin sa mesa, may nilapag si Tatay na bughaw na papel na nakatiklop para lumiit sa ibabaw ng mesa. Sabi niya,

Huwag bubuksan ‘yang papel na ‘yan, ah. Lalabas ang powers.


‘Yan talaga ang sinabi niya. Lalabas ang powers. Galing daw kay Lolo Big Boy ‘yun para kay Noel. Sa agimat naman daw ni Noel. Kapag naaalala ko ‘yang Lalabas ang powers, natatawa ako kasi…

You don’t know how hard it was for me not to open that paper! Tapos naisip ko pa na literal na lalabas ang powers na kung anong meron ang paper kapag binuksan ko. May lalabas bang smoke, o ano? Parang ganun. 

Hindi ko binuksan. The next day, natahi na ni Nanay sa isa pang red na tela at naging triangle na nilagyan din ng garter. Walang bala ‘yung kay Noel. Pinasuot din ‘yun kay Noel araw-araw. I think one year old nun ang kapatid ko. At ang agimat na ‘yon ay ang retratong nandito sa blog entry na ito.

Hinahanap ko 'yung akin, ‘yung may bala, pero hindi ko makita. I remember I used to show that to our relatives noong bata pa ako pero parang hindi naman sila surprised. Relatives sa side ng Tatay ko. Siguro dahil sa province sila mga lumaki at alam nila ang mga ganung bagay.

Hindi na naming sinusuot ni Noel ang mga agimat namin. Tumigil ata kami ng mga high school na ako o kalagitnaan ng elementary.

Nang makita ko ang agimat ng kapatid ko, naalala ko na naman ang powers ng papel. Sumagi sa isip kong buksan pero syempre, ayoko. Siguro, mas maganda ng hindi ko alam kung ano ang nakasulat sa papel. Isang bagay na siguro, hindi ko talaga malalaman sa buhay ko.

Note: Hindi ko alam kung totoo ‘tong mga sequence ko lalo na sa mga doktor pero ‘yun talaga ang naalala ko. At totoong na duwende ako sa puno ng santol at may mga agimat kami ng kapatid ko. Kailangan kong itanong ‘to sa Nanay ko kasi baka mamaya, katulad ‘to ng peklat ko banda sa talukap ng left eye ko. Iba ang naaalala kong dahilan bakit ako nasugatan sa kuwento ng Nanay ko. Syempre, super bata pa ako nang mangyari ang mga happenings na ito.

Edited yung photo. Halata naman sa skillsz ko. Haha! The engkanto (laspongols) and kapre (polidred) photos are from artists from deviant art.

Salamat sa pagbabasa! It means I am sharing something about me to you. Or you getting to know a part of me.

Comments