Wala. Walang health station sa Brgy. Casapa sa munisipyo ng Jiabong, Samar.
Wala. Walang signal sa Casapa. Meron lamang lung aakyat ka sa isang specific place bago ang konkretong maliit na tulay papasok sa lugar kung nasaan na ang mga bahay.
Isa. Isa lang ang midwife ng barangay. Si Midwife Fe Bantigue na 23 years nang naka destino sa Casapa.
Isa. Isang linggo bago manganak, pinabababa na ang mga buntis ni Ma'am Fe para mas matugunan ang kanilang pangangailangan at hindi sila sa bahay manganak. Binababa sila gamit ang duyan, nakasampa ang mga kawayan sa balikat ng kanilang mga kapitbahay. Kapag mga batang may sakit naman, inilalagay sila sa tila malaking duyan at nakasampa sa balikat ng mga barangay official.
Mga retrato galing kay Midwife Fe
Dalawa. Dalawang beses sa isang buwan pumupunta sa barangay Casapa si Midwife Fe para sa mga Nanay na buntis at mga sanggol; para sa prenatal, post-natal, immunization, family planning lessons, at iba pang maternal and child health care. Madalas, sa ilalim ng puno nila ginagawa ang immunization o di kaya ay nag babahay-bahay si Ma'am Fe para lang mabakunahan ang mga bata. Nakapagpa anak na rin daw siya sa bahay. Naabutan niyang isang hilot ang nagpapa anak at may nilalagay na papaya malapit sa pwerta ng buntis. Sabi niya, belief daw iyon na mas lalabas nang mas madali ang placenta kung may papaya. Naguluhan ako at hindi natawa. Mas nalungkot ako nang marinig ko ang kuwentong iyon. Marami pa rin ang hindi naaabot ng impormasyon. Buti na lang, may mga kagaya ni Ma'am Fe na hindi tumitigil, hindi napapagod. Kung mapagod man, magpapahinga; pero tutuloy at tutuloy pa rin.
Tatlo. Tatlo ang dahilan bakit mataas ang maternity mortality rate sa Pilipinas. Ang three delays model: 1. Delay in making decisions to seek appropriate medical help, 2. Delay in reaching an appropriate obstetric facility, and 3. Delay in receiving adequate care when a facility is reached. Meron pa ring mga Nanay na mas pinipili pa ring sa hilot magpa anak, at sa bahay ito gawin kahit ipinagbawal na ito. Meron naman, nakapag desisyon nang pumunta sa birthing clinic pero mahihirapang makarating dito dahil sa daan at transportasyon. At kapag naman nakarating na sa birthing clinic, wala namang maayos na facility o di kaya ay walang maayos na serbisyo. Sa tatlong dahilang ito, nakita ko sa Brgy. Casapa na ang ikalawang dahilan ang pinaka malaking problema. Pero buti na lang, meron silang Midwife Fe na ginagawan ng paraan para hindi mangyari ang mag delay na ito. Lagi niyang sinasabihan ang mga Nanay na hindi na pwedeng sa bahay manganak. Itetext niya, tatawagan, susulatan ang mga ito para ipaalala. Alam na rin niya, kasama ng mga volunteer na mga Barangay Health Worker, kung kailan ang kabuwanan ng isang nagbubuntis kaya pinabababa na sila agad bago pa man sila manganak, upang makarating sila sa centro kung nasaan ang birthing facility.
Apat. Apat na kilometro ang kailangan mong lakarin mula Brgy. Pusongan sa Munisipalidad ng Motiong, papunta sa Brgy. Casapa at pabalik. 'Yun ang sabi ng application sa phone ko na hindi ko na papangalanan at baka isipin niyong sponsor. Pero ayon sa assessment, tatlo at kalahating kilometro ang daan. Pito kung balikan. Tatawirin mo ang baku-bakong daan, pataas at pababa, sa gilid, sa harap, huwag mo kalimutang kumapit at baka madulas ka. Maputik. Swerte ka kung maaraw dahil hindi ganon ka dulas at kaputik ang daan. Bukod pa ron, kakailanganin pa ulit bumyahe ng mga residente para makarating sa centro ng kulang-kulang isang oras. Gaya ng ospital o clinic, wala ring palengke sa barangay pero may mga tindahan. Meron namang dalawang eskwelahan; isa para sa elementary at isa para sa high school.
Lima. Nagkaroon ng limang buwang walang natanggap na sahod si Midwife Fe.
Lima. Maglilimang taon na simula nang mangyari ang Bagyong Yolanda at isa ang Samar sa mga napinsala nito. Dahil sa mga donasyon, nakapag patayo ang Operation Sagip, kasama ng mga partner, lalo na ng community, ng isang Barangay Health Station with Birthing Facility sa Brgy. Casapa (tawang ng barangay, Ang White House!). Meron na silang health station para sa mga may sakit. Meron na rin silang paanakan. Hindi na nila kailangang maglakad ng dalawang oras at apat na kilometrong madulas, maputik, at baku-bako. Wala ng Nanay at bagong sanggol na mamamatay dahil sa panganganak. (Sana, wala na.)
Anim. Anim na barangay ang matutulungan ng bagong BHS. Ang Brgy. Casapa, Brgy. San Andres, Brgy. Nagbac, Brgy. Mercedes, Brgy. Cristina, at Brgy. Bugho.
Anim. Sa loob ng anim na buwan, natapos ang bagong BHS sa Brgy. Casapa. Maski mahirap dalhin ang mga materyales para mabuo ang bagong Barangay Health Station, hindi tumigil ang komunidad. Oo. Ang komunidad ang nagtayo ng BHS. Dala nila sa mga balikat nila ang mga bakal, semento; buhat ng mga bisig nila ang mga hollow blocks, pala, at kung anu-ano pa. Meron din naman silang mga kalabaw para itawid ang ibang mga gamit sa maputik na daan. Sa anim na buwan, kasama na rito ang pagpaplano at paghahakot. Apat na buwan naman ang buong konstruksyon.
Pito. Higit sa pitong beses akong naging masaya kahit na nakakapagod at ilang beses akong muntik madulas sa paglalakad nang makita kong nakatayo na ang bagong BHS. Puting-puti. Ang liwanag. Ang luwag. Kitang-kitang masaya ang mga residente ng Barangay Casapa, bata man o matanda. Iba pala ang pakiramdam. Akala ko, pinaka mahirap na ang daang binagtas namin sa Busuanga ng puntahan namin sina Gellian. Pero iba sa Brgy. Casapa. Ibang-iba. Matutulog akong masaya maski pagod dahil sa paglalakad at nabasa ng ulan pabalik sa Tacloban. Mas naging mahirap ang daan.
Salamat, Ma'am Ria at Sir Earl sa experience na ito. Isa 'to sa mga hindi ko malilimutan. Salamat, Sir Marcel at Sir Jun sa pagpayag na sumama ako.
Malipayon ang akong kasing-kasing. (Teka. Tama ba terms ko?)
Comments
What do you think, Awesome?